Mga Pinagkatiwalaang Tagapangasiwa (Stewardship)

Ang unang prinsipyo ng tipan sa Banal na Kasulatan ay ang sovereignty ng Diyos. Sa larangan ng teoryang pang-ekonomiya, ang prinsipyong ito ay nahayag sa doktrina ng orihinal na pagmamay-ari ng Diyos sa lahat ng nilikha, kabilang ang sangkatauhan.

Bilang nagmamay-ari ng lahat, hindi direktang kinokontrol ng Diyos ang mundo. Bagkus ay pinamamahalaan niya ang Kaniyang pagmamay-ari sa pamamagitan ng sangkatauhan sa buong kasaysayan.

Dahil sa ipinagkaloob ng Diyos ang responsibilidad sa sangkatauhan para sa pangangasiwa sa mundo, ang bawat indibidwal ay dapat maging responsable sa gawain na ipinagkatiwala sa Kaniya ng Diyos.

Ang bawat indibidwal ay magkakaiba. Ang mga tao ay may magkakaibang talento, layunin, interes, libangan, at lahat ng iba pa na nauugnay sa produksyon ng ekonomiya. Ang bawat tao ay may pananagutan sa anumang mga kasanayan o pakinabang na ibinigay sa kaniya sa buhay na ito. Ang pangunahing alituntunin ng pagiging responsible ay ito: ang sinuman na pinagkatiwalaan ng malaki ay malaki rin ang inaasahan sa kaniya at ang kaniyang pananagutan (Lucas 12:47-48).

Samakatuwid, mananagot ang bawat indibidwal sa Diyos kung papaano nila ginamit ang mga regalo at benepisyo na ipinagkaloob sa kanila. Ang lahat ng tao ay mananagot sa Diyos bilang Kaniyang mga katiwala.

Pagtatakda ng Hangganan

Kaakibat ng pananagutan ay ang pagkakaroon ng pamantayan. Ito ay inilalapat sa pangangasiwa sa ilalim ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga patakaran sa pag-aari na nagsisilbing gabay kung ano ang tama at mali.

Ang palatandaan ng lehitimong patakaran ay ang pagtatakda ng mga  mga hangganan sa pag-aari. Ang pinaka-pangunahin sa lahat ng mga hangganan sa pag-aari ay ang hangganan na may kinalaman sa pag-aasawa. Ang mag-asawa ay may eksklusibong karapatan at access sa katawan ng bawat isa. Ang eksklusibong karapatang ito ang essence ng bawat karapatan sa pag-aari.

Ang pagtatakda ng hangganan ay nararapat na gamiting modelo para sa pagtatakda ng legal na karapatan sa pag-aari. Ang tao ay dapat na maging responsable sa pangangasiwa ng kaniyang pag-aari. Sila ay may pananagutan sa Diyos bilang mga pinagkatiwalaan ng pagmamay-ari ng Diyos. Ang tao ay may pananagutan din sa bawat isa na igalang ang pagmamay-ari ng kanilang kapwa. Ang ganitong patakaran ay magbibigay sa tao ng kakayahan na magpakadalubhasa sa isang larangan ng produksiyon. Ito ay magbubunga ng division of labor.

Division of Labor

Itinuturo sa Christian Theology na ang bawat persona sa Trinity ay magkapantay sa kanilang pagka Diyos subalit may magkakaibang tungkulin pag dating sa kaugnayan sa sangkatauhan. Gayundinnaman sa sangkatauhan, makikita natin ang pagkakapantay at pagkakaiba sa tungkulin sa dahilan na ang tao ay nilalang ayon sa wangis ng Diyos. May pagkakapantay pagdating sa katarungan o sa mata ng batas. Subalit totoo rin na ang bawat tao ay may iba't ibang mga talento o kasanayan. Upang mapalawak ang kanilang personal na kapangyarihan sa kasaysayan, dapat hangarin ng kalalakihan at kababaihan na pagbutihin ang kanilang mga kasanayan, makaipon ng mas maraming pag-aari, makakuha ng higit na awtoridad, at tanggapin ang higit na responsibilidad. Ito ay hahantong sa hindi pagkakapantay-pantay pagdating sa kakayanan pang-ekonomiya.

Ang division of labor ay batay sa katotohanan na ang iba`t ibang tao ay may iba`t ibang mga kasanayan. Ito rin ay batay sa katotohanan na ang bawat lupa ay magkakaiba. Ang mga tao ay nakatira sa iba't ibang mga pangheograpiyang lugar. Kung magkagayon, kanilang pagtutuunan ng pansin ang uri ng produksiyon ayon sa kakayanan ng lupa at kasanayan na mayroon sila. Pagkatapos ay kusang-loob silang makikipagkalakalan sa ibang lugar na may kakaiba ring kasanayan upang maiangat ang antas ng kanilang yaman at antas ng pamumuhay ng kanilang pamilya. Ito ang dahilan kung bakit may kusang-loob na kooperasyon sa pagitan ng mga indibidwal. Hindi ito resulta ng pagbagsak ng tao. Ito ay nakapaloob sa mismong istraktura ng paglikha.

Inutusan ng Diyos si Adan at Eba na magpakarami. Ang pagdami ng tao ay nangangahulugan ng paglawak ng produksiyon. Nangangahulugan na kung mas malaki ang bilang ng mga tao, mas malaki rin ang antas ng yaman. Mas maraming tao, mas malaki ang magiging pag-unlad ng mundo sa pamamagitan ng paggamit ng mga hilaw na materyales na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan.

Ang bawat indibidwal at pamilya ay responsable sa Diyos para sa pagdaragdag ng capital na halaga ng mundo. Inaasahan ng Diyos na madadagdagan ito ng sangkatauhan sa Kaniyang pangalan. Ang mga indibidwal at samahan ay kumikilos bilang mga tagapangasiwa, bilang mga lehitimong kinatawan ng Diyos at gayundin bilang mga pang-ekonomiyang kinatawan ng Diyos.

Upang mapalawak ang kanilang kapangyarihan, ang mga indibidwal ay nagpakadalubhasa sa kanilang produksiyon upang tumaas ang antas ng kanilang output. Bunga nito, lumalaki din ang kanilang responsibilidad sa harapan ng Diyos. Sila ay responsable sa pagdaragdag ng halaga sa responsibilidad na ipinagkaloob ng Diyos sa kanila. Nakikipagtulungan sila sa bawat isa, at ginagawa nila ito sa pag-asang sila bilang mga indibidwal ay magiging mas mainam ang kalagayan bunga ng kooperasyon. Ang pangunahing lugar ng kooperasyon ay ang pamilya, at sa labas nito ay ang merkado.

Pananagutan o Accoutability

Lahat ng gawain ng tao ay kaniyang ipagsusulit sa Diyos. Ito ay totoo sa bawat larangan ng buhay at gayundin sa ekonomiya.

Sa halimbawa ng ating unang mga magulang na sina Adan at Eba, ating makikita na kay bilis nilang ipasa ang sisi sa iba sa halip na akuin ang kanilang nagawang pagkakamali. Ginawa nila ito sa kabila ng katotohanan na ito ay maaaring pagsimulan ng pagkasira ng pagkakaisa ng kanilang pamilya. Pagkatapos ng pagkahulog, nawala ang loyalty ni Adan sa kanyang asawa. Ang higit na mahalaga ay ang kaniyang sarili. Ito ang likas na kapintasan ng makasalanang tao sa bawat lipunan na ating matutunghayan sa iba’t-ibang yugto ng kasaysayan. Subalit sa kabila ng pagpasa ng tao ng paninisi sa iba, hindi niya pa rin maiiwasan ang katotohanan na sa bandang huli siya ay responsable sa Diyos.

Biological Reproduction

Ang biological reproduction ay nagsisilbing batayan upang mapalawak ng sangkatauhan ang kanilang awtoridad sa sandaigdigan. Ang Hardin ng Eden ay nagsisilbing isang lugar ng pagsasanay sa kapangyarihan, at pagkatapos nilang magpakarami ay kinakailangang sanayin ang kanilang mga anak, at isugo ang mga ito sa mundo upang isagawa ang kanilang mga natutunan.

Ang ideyang pang-ekonomiya dito ay ang ideya ng paglago ng ekonomiya. Ito ay may kinalaman sa biological reproduction. Ito din ay may kinalaman sa  pagiging produktibo ng mga indibidwal at pamilya. Ito ay may kinalaman sa pagpapalawak ng kaalaman sa kasaysayan, na nangangahulugan ng paglalapat din ng kaalamang ito sa kalikasan at lipunan.

Economic Growth and Consumption

Ang Diyos ay nagbigay sa sangkatauhan ng kapital. Tungkulin ng sangkatauhan na pagyamanin ang kapital na ito. Ito ay pagmamay-ari ng Diyos at responsibilidad ng sangkatauhan na pataasin ang halaga ng kapital na tinanggap mula sa Diyos. Sa bawat pagtaas ng halaga ng kanilang kapital, nadaragdagan din ang responsibilidad ng mga indibidwal at pamilya na magpatuloy upang mapalawak ang halaga ng kanilang kapital. Ito ang pundasyon ng konsepto ng paglago ng ekonomiya: ang pagtaas sa personal na responsibilidad.

Sa puntong ito, malinaw na binanggit ng may-akda na siya ay humiwalay sa teorya ni Adam Smith at halos lahat ng modernong teoryang pang-ekonomiya. Ayon sa kaniya, itinuturo ni Smith na ang pangunahing layunin ng produksyon ay ang pagkonsumo:

“Ang pagkonsumo ay ang nag-iisang dulo at layunin ng lahat ng produksyon; at ang interes ng producer ay dapat na tingnan na may kinalaman lamang sa interes ng consumer. Masyadong hayag ang katotohanang ito na hindi na kinakailangan pang patunayan ito. Ngunit sa sistemang mercantilismo, ang interes ng mga mamimili ay halos palaging isinasakripisyo sa interes ng producer; at tila ang isinasaalang-alang lang ay ang produksyon mismo, at hindi ang pagkonsumo, ang panghuling layunin ng lahat ng industriya at ng komersyo” (Wealth of Nations, 1776, Book IV, Chap. 8, par. 49).

Iba ang itinuturo sa Bibliya. Ang pagkonsumo ay isang gantimpala para sa paggawa. Malinaw sa Bibliya na ang Diyos ang nagmamay-ari ng mundo at ito ay pinangangasiwaan ng sangkatauhan para sa Diyos. Ang nakatalagang layunin ng sangkatauhan ay ang palawakin ang kanilang kapangyarihan sa buong mundo sa ngalan ng Diyos. Nangangailangan ito ng pag-iimpok: kumonsumo ng mas kaunti sa natanggap na sahod. Ito rin ay nangangailangan ng matalinong pamumuhunan, ng entrepreneurship: paglalaan ng kapital sa kasalukuyan upang matugunan ang pangangailangan ng customer sa hinaharap. Ang pamamahala sa buong sandaigdigan ang pangunahing layunin ng lahat ng produksiyon.

Job and Calling

May mga tao na gustung-gusto nila ang kanilang trabaho at laan nilang gawin ito kahit na wala silang sahod. Subalit kailangan silang bayaran at kung hindi ay maaari silang mamatay sa gutom. At sa puntong ito isinalaysay ng may-akda ang kaniyang personal na karanasan:

Kung may magtatanong sa akin kung nagsusulat ako para mabuhay, ang isasagot ko ay nabubuhay ako para sa aking pagsusulat. Yon nga lang, kumikita ako ng pera para sa ilang mga isinusulat ko na tinatawag kong trabaho. Subalit ang pinakamahalagang pagsusulat na ginagawa ko ay sa larangan ng ekonomikong Kristiyano, kung saan ay hindi ako nababayaran. Nais kong linawin na anumang pera na naipon ko upang mag-print ng mga libro at mai-market ang aking mga materyales ay eksklusibong ginagamit ko para dito, hindi upang magbigay ng isang mapagkukunan ng kita. Sa aking pananaw, magkaiba ang aking trabaho at ang aking pagtawag. Trabaho ko ang naglalagay ng pagkain sa aking mesa. Ang pagkatawag sa akin naman ay ang pinakamahalagang gawain na magagawa ko na kung saan ay mahirap akong palitan. At ito ay upang mapaunlad ang Christian economic theory.

Conclusion

Ang Diyos ang ganap na may-ari ng buong nilikha. Sa Kanyang biyaya, nilikha Niya ang tao upang kumatawan sa Kaniyang pamamahala sa mundo.

Pagdating sa hardin at sa daigdig, pinagkalooban ng Diyos ang tao ng kapangyarihan upang pamahalaan ito. Maaari nilang gawin ang anumang nais nila dito. Sila at ang kanilang mga anak at ang kanilang mga apo ay dapat kumalat sa buong kalupaan, na pinamamahalaan ang buong mundo sa ilalim ng kanilang kapangyarihan. Subalit ang kanilang kapangyarihan ay kumakatawan sa Diyos at sila ay mananagot sa Kaniya. Kaakibat di nito ang pagtitipid, at sila ay uunlad ayon sa husay ng kanilang pamamahala sa mundo.

Hindi binago ng pagbagsak ng tao ang tungkuling ito. Ang tao ay nanatiling kumakatawan sa Diyos. Ang tao ay nararapat pa ring sumunod sa mga tuntunin na itinakda ng Diyos sa panahon ng kanilang paglikha.

Malinaw na itinuturo ng Christian economics na ang pagmamay-ari ay ipinagkatiwala ng Diyos sa tao. Anumang pagtatangka na sabihin na ang pagmamay-ari ng tao ay autonomous, kasama ang pagmamay-ari sa sarili ay isang pagtanggi sa doktrina ng bibliya ng pagmamay-ari.

 

Reference: North, Gary. 2017. Christian Economics Volume 1: Student’s Edition. Dallas, Georgia: Point Five Press. Pp. 20-32.


Mga Gabay na Katanungan:

1. Bilang orihinal na may-ari ng lahat, sa papaanong paraan pinamamahalaan ng Diyos ang sandaigdigan?

2. Ano ang mahalagang implikasyon ng katotohanan na pinagkatiwalaan ng Diyos ang tao upang pangasiwaan ang Kaniyang mga pag-aari?

3. Ano ang kaugnayan ng pagkakaroon ng patakaran sa pananagutan ng Diyos sa tao?

4. Ano ang dalawang ibubunga ng pagtatakda ng tiyak na hangganan o ng patakaran?

5. Ipaliwanag ang kahulugan ng “division of labor.” 

6. Ipaliwanag ang kahalagahan ng “specialization in production” o pagpapakadalubhasa sa produksiyon.

7. Ano ang kaugnayan ng biological reproduction sa economic growth?

8. Tama ba na sabihin na ang ultimate end ng production ay consumption?

9. Ano ang kaibahan ng trabaho sa pagkatawag?













 

 

 

 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Five Precepts of the Modern Mind

The Special Duties of Husbands to their Wives

No One is Above the Law