Pagmamay-ari

Ang unang kabanata ay tungkol sa pagmamay-ari. Sa pamamagitan ng pagtalakay sa paksang ito, nagsimula ang may-akda sa doktrina ng paglikha. Para sa kanya, ang ganitong klase ng panimula ang nagbigay ng kaibahan sa kaniyang pamamaraan kung ihahambing sa pamamaraan ng iba pang mga ekonomista. Sa pamamagitan ng paggigiit sa kahalagahan ng doktrina ng paglikha sa ekonomiya, pinangatuwiranan niya na ang daigdig, tao, mga batas sa ekonomiya, at paglago ng ekonomiya ay hindi lubusang mauunawaan ng hiwalay sa Diyos.

Ang doktrina ng paglikha ay nagsilbing batayan sa katotohanan na tanging ang Diyos lamang ang orihinal na may pagmamay-ari sa lahat na malinaw na nakasaad sa Awit 24: 1-2 at maraming iba pang mga talata sa Bibliya. At dahil ang Diyos ang lumikha ng mundo, samakatuwid Siya ang orihinal at ganap na May-ari ng lahat. Ang ideya samakatuwid ng pagmamay-ari ay “theocentric.” Sinasabi nito sa atin na ang pang-ekonomiyang konsepto ng pagmamay-ari sa huli ay isang teolohikal na ideya. Ang konsepto ng pagmamay-ari ay hindi maaaring maintindihan nang lubusan na hiwalay sa Diyos bilang tunay na May-ari ng lahat ng mga bagay.

Ang providence ay isa pang kaugnay na doktrina na hindi maaaring ihiwalay sa doktrina ng paglikha. Itinuturo sa atin ng doktrinang ito na ang Diyos ay nagmamalasakit at namamahala sa Kanyang nilikha sa isang personal na pamamaraan. Kung ilalapat ang katotohanang ito sa ekonomiya, ang pagmamay-ari ng Diyos ng lahat ay dapat na maunawaan na may kaugnayan sa Kanyang mga katangian. Nakikita at alam niya ang lahat ng mga bagay; Siya ay may kabuuang kontrol sa lahat; at Siya ay nasa lahat ng dako.

Ang Lumikha at May-ari ng lahat ng bagay ay nagpahayag ng Kanyang sarili sa Bibliya bilang Trinity. Samakatuwid, ang sistema ng pagmamay-ari na hinihiling Niya sa tao ay dapat na sumasalamin sa doktrina ng Trinity kung saan parehong pinagtibay ang pagkakaisa at pagkakaiba-iba. Para sa may-akda, ito ang dahilan kung bakit ginawa ng Diyos ang mga alituntunin ng pagmamay-ari na kolektibo (pagkakaisa) at indibidwalismo (magkakaiba). Idinugtong pa niya ang paliwanag na ito ukol sa pagkakaisa at pagkakaiba-iba sa pagmamay-ari: "Ang ilan ay pagmamay-ari ng mga indibidwal. Ang iba naman ay pagmamay-ari ng mga pamilya. Meron ding pagmamay-ari ng mga asosasyon at korporasyon. Ang ilan ay pagmamay-ari ng mga simbahan, at ang ilan ay pagmamay-ari ng pamahalaang sibil, ang estado. "

Bukod dito, idinagdag pa niya na ang Bibliya ay nagtuturo ng isang sistema na may overlapping sa pagmamay-ari. Ibig sabihin, ang ilang mga pag-aari ay pagmamay-ari primarily ng mga indibidwal ngunit secondarily lamang ng estado. Meron ding mga situwasyon na may mga property na pagmamay-ari ng mga indibidwal, ngunit ang miyembro ng mga pamilya ay mayroon ding karapatan na maghabol. Ipinaliwanag niya ito sa pagsasabing ang pag-aari ay hindi dapat tukuyin bilang eksklusibo at ganap na pagmamay-ari ng sinumang solong tao o anumang solong institusyon ng tao. Nakuha niya ang konklusyon na ito mula sa mismong ideya ng ganap na pagmamay-ari ng Diyos ang lahat. Ang lahat ng pagmamay-ari ng tao ay masasabing subordinate sa katotohanan na pagmamay-ari ng Diyos ang lahat.

Gayunpaman, ang konseptong ito ng pagmamay-ari ng tao bagamat subordinate ay dapat respetuhin sapagkat ang Diyos ang nagbigay ng gayong pagmamay-ari sa tao. Ang pagmamay-ari ay isang regalo mula sa Diyos. Ang pagmamay-ari ng tao ay ibinibigay ng Diyos sa bisa ng delegasyon na ginagawang responsable ang tao na alagaan ang buong nilikha. Samakatuwid ang tao ay katiwala ng Diyos sa ilalim ng Kanyang pangangasiwa. "Nangangahulugan ito," sabi ng may-akda "na ang tao ay responsable sa Diyos para sa wastong pangangasiwa ng lahat ng ipinagkatiwala sa kanya."

Kung hindi matutupad ng tao ang kanyang mga tungkulin at responsibilidad sa pangangalaga sa paglikha, magkakaroon ito ng mga negatibong resulta. Sa ekonomiya, ang tawag dito ay pagkalugi. Samakatuwid ang etika ay isang hindi maiiwasang katotohanan sa pagtupad ng tao sa mga responsibilidad na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos.

Ang etika ay isa pang bagay na nagbibigay kaibahan sa isang Kristiyanong ekonomista kung ihahambing sa iba pang mga ekonomista. Ang mga ekonomista ay hindi naniniwala sa isang kaayusang pang-institusyon na nilikha ng Diyos na pinamamahalaan ng Kanyang mga batas na nagtuturo na may kaukulang kabayaran ang paglabag dito. Para sa kanila, ang mga naturang kabayaran ay walang kinalaman sa mga batas ng Diyos. Subalit para sa mga ekonomistang Kristiyano, ang mga kabayarang nabanggit ay pinamamahalaan hindi ng batas sa pamilihan o batas ng estado, kundi ng batas ng Diyos.

Sa wakas, kung ilalapat ang naturang etikal na responsibilidad sa isang partikular na salinlahi, binigyang diin ng may-akda na ang bawat henerasyon ay may obligasyong dagdagan ang capital base upang magsilbing bilang pamana sa susunod na henerasyon (Kawikaan 13: 22a).



Reference: North, Gary. 2017. Christian Economics Volume 1: Student’s Edition. Dallas, Georgia: Point Five Press. Pp. 9-19.



Mga Gabay na Katanungan:

1. Anu-ano ang mga katuruan sa Biblia na may kinalaman sa katotohanan na pagmamay-ari ng Diyos ang lahat ng bagay?

2. Ano ang implikasyon ng pag-uugnay ng doktrina ng paglikha sa ekonomiya?

3. Ano ang ibig sabihin na ang konsepto ng pagmamay-ari ay isang theological idea?

4. Ano ang kahalagahan ng doktrina ng providence pagdating sa ekonomiya?

5. Sa papaanong paraan makikita ang doktrina ng Trinity sa sistema ng pagmamay-ari na mayroon ang sangkatauhan?

6. Tama ba ang paniniwala na ang konsepto ng pagmamay-ari ay ituring na eksklusibo at ganap para sa sinumang indibidwal o institusyon ng tao?

7. Ano ang tawag ng mga ekonomista sa negatibong resulta ng maling pagsasakatuparan ng tao ng kaniyang responsibilidad na pangalagaan ang mga ipinagkatiwala sa kaniya?

8. Bukod sa doktrina ng paglikha, ano pa ang nagbibigay kaibahan sa isang Kristiyanong ekonomista kung ihahambing sa iba pang mga ekonomista?

9. Batay sa etikal na responsibilidad, ano ang tungkulin ng isang partikular na salinlahi na may kinalaman sa capital base?

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Five Precepts of the Modern Mind

The Special Duties of Husbands to their Wives

No One is Above the Law